Sunday, August 12, 2007

Online G---imikan?

May napapansin akong bago sa internet shop ngayon. Matagal nang alam ng karamihan na palaging puno ng manlalaro ng online gaming ang mga computer cafe dito sa Maynila. Napansin ko ito noong bago pa lang ako sa mundo ng internet at lagi ko pang naririnig ang mga katabi ko na nagmumura sa kung anumang kadahilanan. Natalo yata ang mga sundalo nila sa RPG game.

Pero ngayon ay napansin ko na parang nagbago ang kapaligiran ng internet cafe, lalo na sa nirerentahan ko palagi sa baba ng tinutuluyan kong lugar dito malapit sa UST. Tuwing sumasapit ang alas-6 ng gabi hanggang madaling araw, kapag papasok ka sa cafe, maaamoy mo kaagad ang pabango ng mga manlalaro doon. Amoy pa lang ay maalaman mo na kaagad na mamahalin ang ginamit nilang pampahalimuyak sa sarili nila.

Tumingin ka sa paligid at makikita mo na pormang-porma ang mga manlalaro doon. Makukulay at masisikip ang mga damit na suot nila, may palamuti (maaaring hikaw, kuwintas, o pulseras), at maayos na maayos ang buhok. Kung hindi lang ako sigurado na nasa apartment pa din ako, iisipin ko na nagpunta ako sa Malate o sa kung saan pa mang gay bar dito sa Maynila dahil sa porma ng mga tao dito.

Napaisip tuloy ako kung bagong gimikan na ba ang internet shop. Natutukso tuloy ako na maligo't mag-ayos bago ako pumunta ulit sa internet shop sa apartment ko at tignan kung may mangyayari bang kakaiba. Haha!

Ano sa tingin niyo?
---------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Napunta na rin naman na tayo sa kakaibang pangyayari kaya ikukuwento ko na ang kababalaghang nangyari sa akin noong nakaraang linggo sa Santissimo Rosario, ang simbahan ng UST.

Miyerkules ng hapon noon at pumunta ako sa simbahan para mangumpisal. Ilang buwan na kasi akong hindi nangungumpisal, ni nagsisimba man lamang. Marami na rin akong naipon na kasalanan na nagpaisip sa akin na kailangan ko ng bagong simula.

Pumila ako sa confession booth sa may kanang bahagi ng simbahan at nagsimulang magdasal. Habang naghihintay ako ay may lumabas na lalaki sa confession booth. Maputi siya, mga kasing tangkad ko, nakatayo ang ayos ng buhok, at nakastripes na polo shirt. Tumingin siya sa akin pero inalisan ko kaagad siya ng tingin dahil nga nakaukol sa pangungumpisal ang diwa ko noong mga oras na iyon. Pero matapos niyang isawsaw ang daliri niya sa banal na tubig, dumaan siya sa harap ko at ibinangga ang braso niya sa braso ko. Naantig ako dahil kakaiba ang pagdikit ng braso niya. May kasama kasing friction kaya nakiliti ako.

Napatingin ako sa kanya at nginitian niya ako. Tumungo siya, senyales na lumapit ako sa kanya. Nang puntahan ko siya sa may gilid ng simbahan (kung saan wala masyadong nakakakita sa amin dahil abala ang lahat sa misa) ay iniabot niya sa akin ang kamay niya.

"Hi. I'm Raymond," sabi niya.
"Ahh. I'm Raydon. Uhm... parehong may 'Ray'," sagot ko na may kasamang tawa.

Sinimula niyang himasin ang kanang kamay ko habang nagkakamayan kami. Nagulat ako at tingin ko ay napansin niya 'yun pero di pa rin niya tinanggal ang kamay niya.

"Taga-saan ka?" tanong ko para maibsan ang pagkabalisa ko.
"Sa Mendiola ako."
"I mean, taga saang college ka?"
"Ahh...Graduate school na ako," sagot niya.

Sa mga ikinikilos niya ay nasagap ko na inaaya niya akong lumabas.

"Mangungumpisal pa kasi ako. Mamaya na lang tayo mag-usap," sabi ko.

Pagkatapos niyang kunin ang cellphone number ko ay bumalik na ako sa pila. Umalis na rin siya. Takang-taka talaga ako dahil iniisip ko na kagagaling lang sa pangungumpisal ng taong iyon tapos bigla niya akong iimbitahin kaagad sa kamundohan.

Noong nasa loob tuloy ako ng confession booth ay hindi ko maituon ang buong pag-iisip ko sa paglinis ng aking kaluluwa. Sariwa pa kasi sa alaala ko n'ung oras na iyon ang nangyari bago ako nagsimulang mangumpisal.Hindi ko nga malaman kung isang pagsubok ba ang nangyaring iyon sa akin para malaman kung tapat ba ako sa aking kagustuhan na magbagong-buhay.

Hindi rin kami masyadong nakapag-usap n'ung taong iyon(ayoko siyang tawagin gamit ang pangalan niya). Paisa-isang linya lang sa text hanggang sa nawala na ng tuluyan ang pag-uusap namin at tinanggal ko na siya sa phone memory ng cell phone ko. Sabi nga ng kaibigan kong si Ayi, malamang ay nakahanap na iyon ng ka-'gawa' (isalin niyo na lang sa English).

Noong isang araw ay pinadalhan niya ako ng mensahe.

"Magsisimba ka ba ngayon?"

Hindi na ako sumagot. Para ano pa?

Sa sumunod na linggo ay bumalik ako sa simbahan para mangumpisal ulit. Inayos ko na ang pagsabi ng aking mga kasalanan at doon ko lamang naramdaman na binigyan ulit ako ng pagkakataon na magsimulang muli. Hindi ko na siya ulit nakita. Maaaring nasama na siya sa mga kasalanang nahugasan na at natanggal mula sa aking kaluluwa't diwa. - Raydon

2 comments:

Anonymous said...

now what a post... we cannot take out d church in us! =)

Anonymous said...

Thanks for writing this.